Saan ngaba papatungo ang mga paang ito?
Ito ba’y magpapatuloy hanggang sa dulo?
Oras na ba para malaman ng buong mundo
Na di ko kinaya ang sakit na iniwan mo?
Minuto ang tumatakbo habang ako’y papalayo.
Mga alaala ng kahapon dumalaw sa isipan ko.
Buhay patungong kawalan akin nang tinatahak.
Paalam sayo, aking kawalan.
Ano ka ngaba sa buhay ko?
Nang dumating ka, ako’y biglang nagbago.
Ang dating mundo kong masaya
Binudburan mo ng substansya.
Mahal ko, naging masmasaya ako sa piling mo
Hanggang sa kinalimutan kong may buhay nga rin pala ako.
Ginawan kita ng espasyo sa mundo ko
Hanggang sa ikaw nalang ang naging laman nito.
Nakalimutan kong hindi lang naman pala ako
Ang nilalaman ng mundo mo.
Nabuhay akong bulag sa pag ibig.
Sa pantasya kong ito, ako’y nananaginip.
Oras na para magpaalam...
Paalam kawalan.
Oras na para isuko ko ang buhay na ito
Sa banging tumatawag sa pangalan ko.
Ano pa ngaba ang magagawa ko?
Kundi sundin ang nais nito.
Lima, apat, tatlo, dalawa, isa.
Sandali lang... meron pang isa.
Isang pagkakataon para baguhin ko
Ang buhay na itinapon mo.
May pag asa pa para bumangon
Mula sa putik na pinaglagyan ko.
Ako ngaba ang nawalan sa larong tinapos mo?
O ako lang ang nagsabing talo ako?
Mundo ko ngaba ang higit na nadurog sa paglisan mo?
O isinisisi ko lang sayo ang matagal naman nang papalubog?
Ako ngaba talaga and dapat magdusa?
O ako lang ang nagpasya sa ating dalawa?
Hindi ko kailangang tumawid sa liwanag
Sapagkat ako’y naliwanagan na.
Buhay kong ito di dapat dumepende
Sa sugat ng kahapon; di dapat magpaapi.
Eto na, buo na ang aking pasya.
Ako’y magpapaalam na sa inakala kong kawalan ko pa.
Paalam sayo, kawalan.
Ngunit... di nga pala ako ang nawalan.
Paalam sayo, kawalan.
Oo nga pala... di ka nga pala kawalan.